Ibinahagi ni Megan Young ang kaniyang karanasan sa pagbabalik sa pag-e-ehersisyo matapos manganak. Ipinakita ng aktres ang malaking pagbabago sa kaniyang pangangatawan mula nang isilang niya ang panganay nila ni Mikael Daez.
Sa Instagram, nagbahagi ang first-time mom ng isang reel na nagpapakita ng kaniyang katawan isang buwan matapos manganak, at ang pagkalipas ng isang taon.
"I didn't bounce back," saad nito, na sinabing dahan-dahan niyang ibinalik ang kaniyang pangangatawan sa pag-e-ehersisyo matapos siyang bigyan ng pahintulot ng kaniyang OB-GYN.
Ayon kay Megan, sa unang mga buwan pagkatapos manganak, nakatuon siya sa light movement hanggang sa unti-unting magbalik sa regular na ehersisyo.
"Months one to four, I was doing light walking, eventually lifting weights again, but still wasn't at the point that I wanted to be," kuwento niya.
Aniya, nanatili siyang 25 pounds na mas mabigat kumpara sa kanyang timbang bago magbuntis, matapos siyang madagdagan ng 50 pounds habang nagdadalang-tao.
Sa ikalimang buwan pagkatapos manganak, natigil muli ang kaniyang fitness journey nang magka-dengue siya, na naglimita sa kaniyang kakayahang gumalaw at mag-ehersisyo.
Mula sa ikaanim hanggang ikasiyam na buwan, sinabi ni Megan na nakakapagbuhat na siya ng mas mabibigat sa tulong ng isang fitness coach.
Pagsapit naman ng ikasampung buwan, nagsimula silang magsanay ng kanyang asawa na si Mikael sa ilalim ng isa pang coach at naging lubos na nakatuon sa kanilang fitness routine.
"We've been working hard for the past two months," ani Megan. "Workout kahit nakabakasyon, tracking my food intake every single day."
"It has been so worth it," dagdag niya.
Para kay Megan, higit pa sa pisikal na pagbabago ang kahulugan ng kaniyang fitness journey.
"I love getting stronger for myself so that I can be stronger for my family," sabi ni Megan.
Ngayon Mayo ipinagdiwang ni Megan ang kaniyang kauna-unahang Mother's Day makaraan niyang isilang si Leon noong nakaraang taon.
Ikinasal sina Megan at Mikael noong 2020.
—Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News

