Ang tambalan nina Sugar Mercado at Jeromy ng Hori7on ang itinanghal na kampeon sa ikalawang season ng "Stars on the Floor!"

Para sa kanilang huling pagtatanghal, nagpamalas ang dalawa ng isang mala- acrobatic na sayaw na tampok ang isang balance rocker stage.

Nakakuha sila ng kabuuang 20.21% points sa leaderboard, na pinagsamang puntos mula sa mga hurado at online votes mula Episode 10 hanggang Episode 16.

Sila ang nanguna sa limang pares na kalahok sa kompetisyon, dahilan upang makapasok sila sa huling dance battle laban sa pumangalawang tambalan nina Chanty Videla at Jao ng Alamat, na nakakuha ng 20.19%.

Sa huling tapatan, ibinigay nina Sugar at Jeromy ang kanilang pinakamahusay na pagtatanghal upang masungkit ang kampeonato, at ang P1 milyong premyo at tropeo.

Kabilang din sa iba pang tambalang lumahok sa kompetisyon ay sina Rocco Nacino at Sofia ng Kaia, Paul Salas at Denise ng Calista, at Jasmine Curtis-Smith at Joker ng 1st.One.

Binubuo nina Marian Rivera, Rayver Cruz, at Jay Roncesvalles ang dance authority o lupon ng mga hurado.

Habang si Alden Richards naman ang nagsilbing host ng reality competition. — NIKA ROQUE/FRJ GMA News