Sugatan ang isang 37-anyos na babaeng mountain climber na mula sa Quezon City, matapos siyang mahulog sa bangin nang bumigay ang tinutungtungan niyang bato sa Mt. Apo.

Sa ulat ni Jandi Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, inihayag ng mga awtoridad na nasa 30 metro ang binagsakan ng biktima.

Sinagip ng rescuer team ang biktima at ibinaba ng bundok gamit ang stretcher. Inabot pa ng gabi ang pagbaba dahil sa mahirap na kalagayan ng daan.

Nasa stable condition na ang babae.

Base sa imbestigasyon, bumibisita sa Sta. Cruz, Davao del Sur ang biktima at inakyat niya ang Mt. Apo sa pamamagitan ng Digos Trail. Ayon sa biktima, umakyat siya sa bato matapos umano siyang payuhan ng isang tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang makakuha ng litrato na may magandang tanawin sa likuran.

Ang mga tauhan din umano ng DENR ang nagpakita sa kanila ng mga wild berries.

“Ang sabi niya sa amin picture-ran ko kayo dalawa kayo para ito kita ang white sand yung parang sulfur, nagpa-picture po kami. Nong natapos na ang friend ko sabi niya picture-ran ko kayong dalawa. Ang sabi ng DENR (personnel) don ka po umupo sa nakausling bato para magkatabi kami ng friend ko. Doon po kasi sa unang position ko ng upuan wala po ako sa batohan non parang nag squat pag-upo ko po doon yun na po,” ayon sa babae.

“But unfortunately, hindi pala matibay yung bato na iyon kaya pagka-upo ko is bumigay yung bato. Ang pagkakamali ko lang is napirmi ako kay kuya dahil taga-DENR siya at alam niya yung mga bato na pwedeng patungan o hindi,” dagdag niya.

Dati na umanong umaakyat ng bundok ang babae, at iyon ang unang pagkakataon na naaksidente siya.

“Sana i-briefing pa nila na mga tauhan nila nai-assign nila doon sa area, makikinig naman po kami magpi-picture lang naman po kami sa parang sign board di kami magpi-picture sa mga gilid ng bato yun lang po sana para hindi po mangyari yong ganito what if po yong tao is namatay ano po ang magiging aksyon nila,” mungkahi niya.

Pinaalalahanan naman ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang mga hiker na unahin ang kaligtasan habang umaakyat sa Mt. Apo, lalo na ang mga hindi pamilyar sa lugar.

Binigyang-diin din nila ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin sa kaligtasan at pag-iwas sa mga ipinagbabawal o mapanganib na lugar

Samantala, mananatiling sarado sa publiko ang Mt. Apo mula Hunyo hanggang Agosto bilang bahagi ng taunang programa nito para sa konserbasyon at rehabilitasyon ng bundok. – FRJ GMA News