Ibinahagi TV host-actor na si Robi Domingo na isa na siyang ama.

Sa Instagram, nag-post ng video nitong Lunes ang host ng Pinoy Big Brother ng isang video mula sa ospital.

Sinabi niya sa simula ng video na, “Hi guys, welcome to the outside world,” bago niya ipinakita ang kaniyang asawa na si Maiqui Pineda, na nakahiga sa hospital bed at nakangiting karga ang kanilang bagong silang na sanggol.

"Our newest housemate," saad ni Robi sa caption. Maririnig din sa video ang sikat na theme song ng PBB na “Pinoy Ako” ng Orange and Lemons.

Hindi na nagbigay si Robi ng iba pang detalye tungkol sa pagsilang ng kanilang anak.

Nitong nakaraang Enero nang inanunsyo ng mag-asawa ang pagbubuntis ni Maiqui. Nangyari ito dalawang taon matapos silang ikasal. Naging engaged ang dalawa noong 2022.

Noong 2023, na-diagnose si Maiqui na mayroon siyang pambihirang uri ng autoimmune disease na tinatawag na dermatomyositis.

Pagsapit ng Disyembre 2024, nakamit ni Maiqui ang clinical remission, na nangangahulugang halos hindi na makita o maramdaman ang mga palatandaan at sintomas ng sakit. — Hermes Joy Tunac/FRJ GMA News