Nahuli-cam ang ginawang pagholdap ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo sa isang babaeng doktor sa Bacolod City sa Negros Occidental. Ang mga suspek, nadakip kalaunan at napag-alamang sangkot din sa ilegal na droga.

Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Lunes, makikita sa CCTV camera na nasa tapat na ng kaniyang bahay ang biktima nang lapitan siya ng lalaking armado ng baril noong Huwebes.

Pilit na kinukuha ng suspek ang bag ng biktima. Ilang saglit pa, wala nang nagawa ang doktora at tuluyang nakuha ng salarin ang kaniyang bag.

Ayon sa pulisya, modus ang mga suspek ang mag-ikot at maghanap ng bibiktimahin na karaniwang babae ang puntirya.

Matapos mag-imbestiga ang pulisya, natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sangkot din pala sa ilegal na droga.

Nitong Mayo 31, isang buy-bust operation ang isinagawa at nasakote ang suspek. Nabawi ang bag at cellphone ng doktora.

Narekober din ang motorsiklo na ginamit nila sa krimen.

Sasampahan ng kaukulang reklamo ang mga suspek, na wala pang pahayag. – FRJ GMA News