Isang batang lalaki na isang-taong-gulang ang nasawi matapos na masagasaan ng bus sa Samboan, Cebu. Base sa imbestigasyon, nabitawan ng ina ang bata nang matumba ang sinasakyan nilang motorsiklo matapos na malubak.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing galing ang mag-ina sa Negros Oriental at nagsisimula nang bumiyahe pauwi sa bayan ng Compostela sakay ng motorsiklo na minamaneho ng padre de pamilya.

Base sa imbestigasyon, sinabi ni Police Cpl. Ludovico Bajoyo ng Samboan Municipal Police Station, na nalubak umano ang motorsiklo na dahilan para mawalan sila ng balanse at matumba.

Nabitawan umano ng ina ang bata na bahagyang tumilapon at nasagasaan ng dumaan na pampasaherong bus.

Napansin lang umano ng driver ng bus ang nangyari sa side mirror ng kaniyang sasakyan kaya agad siyang huminto.

Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang bata.

Posibleng maharap naman sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng bus.

Hindi pa umano nakakapagpasya ang pamilya ng bata kung magsasampa ng reklamo laban sa driver. – FRJ GMA News