Iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngayong Lunes ang pagsuspinde ng mga klase sa lahat ng antas sa mga apektadong lugar sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol na yumanig kaninang umaga sa rehiyon.
Ayon sa Pangulo, mananatiling suspendido ang mga klase “until further notice.”
“The safety of our children comes first. DepEd (Department of Education) will coordinate with local government units on this,” pahayag ni Marcos.
Nakaapekto ang unang araw ng pasukan ngayong Lunes sa ilang bahagi ng Mindanao dahil sa pagtama ng malakas na lindol na magmula sa karagatan ng Sarangani.
Sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na nagtalaga na sila ng mga inhinyero sa mga apektadong rehiyon upang magsagawa ng inspeksiyon sa mga paaralan.
Idinagdag ng kalihim na masusi nilang sinusubaybayan ang sitwasyon sa rehiyon.
Una rito, inihayag ng DepEd na mahigit 3.2 milyong mag-aaral at 128,000 guro ang naapektuhan nang nangyaring lindol sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Caraga.
Tinatayang 6,224 paaralan sa limang rehiyon ang naapektuhan ng lindol at mga aftershock. -- FRJ GMA News

