Dalawa sa 18 na nagpakilalang mga dating sundalo na naging bodyguards umano ni dating Congressman Zaldy Co, ang bumawi umano ng testimonya at nilinaw na nagkamali sila sa pagdawit kay Senador Loren Legarda na tumanggap din ng mga maleta na may laman umanong pera, ayon kay Atty. Levito Baligod.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Baligod, abogado ng 18 ex-bodyguards, na nilinaw umano ng dalawa sa kaniyang mga kliyente na nagkamali sila sa ibinigay na naunang testimonya na naghatid ng dalawang maleta na may pera kay Legarda.
“Pagbaba ng dalawang maleta ay binigay nila… and then maya-maya ay napansin namin lumabas na si boss Zaldy, sumakay na sa sasakyan, at umalis na kami. So maalala namin with due respect, pasensya na sabi, wala kaming nakitang maleta na nakapasok doon sa gate,” paliwanag ni Baligod na kuwento umano ng dalawa niyang kliyente.
Ginawa ni Baligod ang pahayag nang tanungin ng mga mamamahayag kung bakit hindi nabanggit sina Legarda at Sen. Mark Villar na tumanggap ng maleta sa nakaraang pagdinig sa Senado, taliwas sa nakasaad sa nauna nilang salaysay.
Ayon kay Baligod, nagpatulong siya kay dating congressman MIke Defensor para ipaalam kay Legarda ang ginawang paglilinaw ng kaniyang mga kliyente.
“Sabi ko inaamin nila pagkakamali nila. Kung gusto ni Senator Loren na kasuhan ‘yung dalawa, binibigay ko ‘yung ebidensya,” dagdag ni Baligod.
Sinabi rin ni Baligod na walang pagbawi na ginawa ang kaniyang mga kliyente tungkol kay Villar.
Ang alegasyon ng mga dating bodyguards umano ni Co ay may kaugnayan sa anomalya sa paggamit ng pondo sa flood control projects.—FRJ GMA News

