Nananatili sa intensive care unit (ICU) ang dalawang estudyante na napuruhan sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isa na rito si Joan Viñas, 17-anyos at Grade 10 student, na tinamaan ng bala sa ulo.

Labis ang pagsisisi ng inang si Rowena na pinayagan niyang pumasok noon si Joan.

“Sabi niya, Ma, parang [mabigat] ‘yung katawan niya daw.... kaso may report daw sila. Nagpumilit siyang pumasok. So pinayagan ko,” sabi ni Rowena Eracho, ina ni Joan.

Hanggang sa tila gumuho ang mundo ni Rowena matapos mabalitaan ang barilan.

“Pagpunta ko noon, nandu’n ako sa may entrance na, nakita ko 'yung anak ko na nakasakay na ng pahiga. Pagkita ko si Joan, nawalan ako ng malay,” sabi ni Rowena.

Lumalapit si Rowena sa dasal sa gitna ng kinahaharap ng anak.

“'Yung mata niya, kasi talagang maga. Sabi ko, Lord, bigyan mo pa ako ng pag-isa pang pagkakataon na mabuhay ang anak ko.’ Pangarap niya talaga maging nurse, na maihaon kami,” sabi ni Rowena.

“Gusto kong makulong 'yung mga bata o kaya kung pati ang magulang, magsama-sama sila,” panawagan pa niya.

Nasa intensive care unit din ang 15-anyos na Grade 9 student na si Nethan Candelario, na tinamaan ng bala sa tiyan.


“Sa ilalim ng puso, tumagos sa tagiliran. Still recovery pa rin po dahil natamaan 'yung intestine niya, tatlo, tatlong butas,” sabi ni Erwin Candelario, ama ni Nethan.

Labis ang pag-aalala noon ni Erwin, dahil bukod kay Nathan, nasa paaralan din ang dalawa pa niyang anak.

“Kahit sino maman po, talagang masakit sa ginawa nila, hindi maganda. Kahit ako, talagang nakaiyak ako sa ginawa nila, talagang hindi maganda. Kahit sino tatay, kung anong ginawa nila, parang gusto kong gawin din, hindi makatarungan ‘yun,” sabi pa ni Erwin.

Binisita ni Leyte Representative Martin Romualdez ang mga sugatan sa pamamaril, na dumalaw din sa burol ng tatlong namatay na mag-aaral.

Nakiramay din si Vice President Sara Duterte sa mga naulila, isa na ang nasawing Boy Scout na si Chris Lawrence Fabian, na hinarang ang sarili sa pinto upang iligtas ang mga kamag-aral.

Binigyang-pagkilala ng lokal na pamahalaan ng Minalin, Pampanga, ang kabayanihan ni Fabian.

Sinabi ng mga lokal na opisyal sa lugar na tubong Pampanga ang mga magulang ng biktima.

Nakatakdang ihatid ang resolusyon at tulong pinansiyal ng LGU sa burol ni Fabian sa Tacloban. —Jamil Santos/ VAL GMA News