Napigilan umano ng mga awtoridad ang posibleng isa pang pag-atake sa isang paaralan sa Leyte dahil sa impormasyon na ibinigay ni Senator Bam Aquino sa Department of the Interior and Local Government (DILG). Tungkol ito sa isang banta online kasunod ng nangyaring pamamaril sa isang paaralan noong Lunes sa Tacloban City.
Sa isang punong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na tinawagan siya ni Aquino bandang 8 p.m. noong Miyerkoles para ipaalam ang impormasyon tungkol sa banta umanong pag-atake.
“At 8 o’clock PM last night, Senator Bam Aquino called me. And to my estimation, he was in Tacloban,” sabi ni Remulla.
“He gave me a tip na sabi niya may chatter daw sa Tacloban na meron pang isang impending mass shooting na mangyayari sa Leyte,” dagdag niya.
Sinabi ni Remulla na agad niyang ipinadala ang impormasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na naglunsad ng imbestigasyon.
Ayon sa hepe ng DILG, nakadirekta sa Tolosa National High School sa Leyte ang banta.
“The suspect is accused of planning a mass shooting or stabbing aimed at the school students,” sabi niya, na binanggit ang CIDG report.
'Maging handa'
Natunton ng mga awtoridad ang banta mula sa isang 14-anyos na Grade 10 na babaeng estudyante na gumawa ng maraming Facebook account at nag-post ng mga mensahe na nagbabala sa isang posibleng magaganap na karahasan.
Nakasaad sa isa sa mga post na isinalin sa Ingles na: “Hello, send this to your friends. Yo, from Tolosa. Prepare yourselves, especially you, as you owe me. Get ready. I will disrupt the school. You won’t know me, but you will recognize me. There’s no time, no day. Be prepared for whoever gets shot or stabbed.”
Sinabi ng DILG na kumalat ang mga post online, na ikinabahala ng mga estudyante, magulang, at mga residente.
Sinabi ni Remulla na nakilala kalaunan ng mga imbestigador ang estudyante sa pamamagitan ng pagsusuri sa social media at impormasyon mula sa mga taong nakabasa at na nag-aalala.
“The investigation revealed that she created multiple Facebook accounts to disseminate this content, which spread rapidly across social media, alarming students, parents, and the public,” sabi ni Remulla.
Ayon sa imbestigasyon ng CIDG, binura kalaunan ng estudyante ang mga post matapos makipag-ugnayan sa kaniya ang mga awtoridad.
Sinabi ni Remulla na walang nakitang ebidensya ang mga imbestigador na may access sa mga baril o mayroong organisadong plano na may iba pang maaaring sangkot.
“The threat appears to be neutralized and inactive. No evidence of an organized plan or involvement of others was found, and neither [she] nor her family had access to firearms,” sabi ni Remulla, na binanggit ang imbestigasyon.
Sinusuri rin ng mga awtoridad kung maaaring naimpluwensyahan ang estudyante sa naganap na pamamaril noong Lunes sa San Jose National High School sa Tacloban City.
“It is possible that she was influenced by a recent shooting at San Jose National High School,” sabi ni Remulla.
911
Hinimok ng pinuno ng DILG ang publiko na agad na iulat ang anumang banta ng karahasan, at sinabing nakakatulong sa mga awtoridad ang maagang pag-uulat para maaksyunan nila bago pa man magkaroon ng anumang pinsala.
“Kung may makita po kayo na kahit anong threat or imminent threat or chatter sa mga group discussions na merong gustong gawing mass shooting or violence to be inflicted, please call 911 and inform right away,” sabi ni Remulla.
“Any threat is considered live until it is neutralized,” dagdag niya.
Nang tanungin tungkol sa 14-taong-gulang na estudyante, sinabi ni Remulla na walang kasong kriminal na maaaring isampa sa kasalukuyan dahil sa mga umiiral na probisyon sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act.
“The kid was not charged with anything… Again, 14 years old… he cannot be charged with anything. Or she cannot be charged with anything,” sabi niya.
Sinabi ng DILG na nananatili ang estudyante sa pamilya nito habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso. – Sherylin Untalan/Jamil Santos/GMA News

