Nahuli-cam sa Caloocan City ang pagbundol ng isang motorsiklo sa isang babaeng Grade 6 student habang tumatawid sa pedestrian lane. Ang rider, tumakas at hindi man lang hinintuan ang biktima para tulungan.

Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ng Barangay 5 na tumatawid sa pedestrian lane ang biktima sa A. Mabini St. para pumasok sa eskuwelahan noong Martes ng umaga.

Nasa kalagitnaan na ng kalsada ang estudyante nang biglang sumulpot ang motorsiklo at mabangga ang biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang estudyante habang lumingon lang ang rider at tumakas.

Dumulog ang mga magulang ng bata sa pulisya at barangay para mahuli ang rider, na patungo umano sa direksyon ng Monumento.

Iniimbestigahan na ang pulisya ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng rider.

Ayon sa opisyal ng barangay, malimit ang aksidente naturang lugar dahil hindi sinusunod ng mga motorista ang pedestrian lane.

Sa kabutihang-palad, nakaligtas ang biktima pero patuloy pa siyang nagpapagaling sa tinamong mga galos sa katawan.

Dahil may inaalangaan pang sanggol na anak, tinuturuan ng ina ang biktima na pumasok na mag-isa sa paaralan. Pero dahil sa nangyari, ihahatid na lang daw niya ulit ang anak. – FRJ GMA News