Opisyal nang nililigawan ni Kris Lawrence ang dating karelasyon na si Katrina Halili.
Inanunsyo ang balita sa segment na “Today’s Talk” ng Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules.
Matapos tanghaling Best Actress si Katrina para sa pelikulang Mommy Dearest sa ika-10 World Excellence Japan Awards, pinasalamatan niya si Kris at ang kanilang anak na si Katie.
"Dapat 'pag medyo meron nang linaw ang balita eh kayo'y dumalaw sa amin dito," saad ni Tito Boy para kina Katrina at Kris.
Ikinatuwa ng mga tagahanga ng dalawa ang muling pagiging malapit at pagiging magkaibigan nina Katrina at Kris. Nagbakasyon sila kamakailan sa El Nido matapos ipagdiwang ni Katrina ang kanyang kaarawan kasama sina Katie, Kris, at anak ni Kris na si Lyric noong Enero.
Sa isang vlog noong Pebrero, sinabi ni Kris na bukas siya sa posibilidad na muling magkaroon ng relasyon kay Katrina kung pareho pa rin silang walang partner pagkalipas ng 10 taon.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda,” ibinahagi rin nina Kris at Katrina kung paano sila nagkaayos matapos dumaan sa isang mahirap na yugto ng kanilang relasyon.
Isinilang ni Katrina si Katie noong 2012. Makalipas ang dalawang taon, naghiwalay sila ni Kris.
Noong 2023, nagsalita si Katrina tungkol sa kanilang co-parenting setup at sinabi niyang, “mas OK kami as friends.” —Nika Roque/FRJ GMA News

