Dahil sa kaniyang angking galing sa pagbirit, binansagang “Kapuso OST Princess” at hurado pa Tanghalan ng Kampeon sa TiktoClock si Hannah Precillas. Pero ang Kapuso singer, pinagsasabay pala ang kaniyang karera sa negosyo niyang empanada. Paano kaya niya ito binabalanse, at pasado naman kaya ang kaniyang empanada sa mga kaibigan niya?

“Nag-start lang talaga lahat na libangan lang namin noong pandemic. Since si mom is mahilig magluto, and then eventually kaming mga anak niya nagkaroon ng idea na bakit hindi natin gawing negosyo since 'yun 'yung patok ngayon, online lang,” kuwento ni Hannah sa nakaraang episode ng “Pera Paraan.”

“So from hobby lang or katuwaan lang namin, bonding namin noon, naging business siya,” dagdag ni Hannah.

Nagsimula lamang sina Hannah sa puhunang P1,500 para sa experimental pa lamang nila noon na negosyo.

Pag-amin ni Hannah, hindi madaling pagsabayin ang pagiging celebrity at negosyante.

“Well, sa totoo lang, mahirap talaga. Habang nasa work ako, may gustong umorder or kailangan kong ialok sa kanila, magko-collect ako ng orders, listahan ng orders. Mahirap para sa akin balansehin 'yung ganung oras ko. Pero I made sure na 'yung social media namin ay matutukan ko somehow. May mga posting kami,” sabi niya.

Malaking tulong naman sa promotion ng kaniyang negosyo na nasa showbiz siya.

“Since nasa industry nga ako, so 'yung mga kasama ko sa work, kapag natikman nila, as much as possible, hinihingan ko talaga sila ng honest review, na hindi dahil kaibigan nila ako or katrabaho nila ako,” ani Hannah.

Mabibili mula P150 hanggang P190 ang empanada ni Hannah, depende sa flavor.

Ayon kay Hannah, 40 boxes ang pinakakaunting nagagawa nila kada araw. Umaabot ito sa 80 boxes kada araw kapag malaki ang demand, o katumbas ng 400 piraso.

“Kung everyday kami gagawa, puwede ka talagang kumita ng five digits a week,” sabi niya.

Tunghayan sa “Pera Paraan” ang paggawa ni Hannah ng kaniyang empanada, at ang hatol ng kaniyang mga kaibigan sa showbiz. – FRJ GMA News