Nahuli-cam sa Aurora Boulevard, Quezon City ang pagkakalaglag ng isang pasahero mula sa sinasakyan niyang jeepney na mabilis ang takbo at biglang nag-overtake sa sinusundan nitong sasakyan. Ang Land Transportation Office (LTO), kaagad na naglabas ng show cause order (SCO) laban sa driver.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa video na nag-viral din online ang biglang paglihis ng takbo ng jeepney habang mabilis ang arangkada.
Dahil sa biglang pagkabig ng driver sa sasakyan, nawalan ng balanse ang isang pasahero at nahulog sa kalsada at nagpagulong-gulang.
Mabuti na lang at hindi siya nabangga ng mga kasunod na sasakyan.
Inatasan ng LTO ang driver at ang rehistradong may-ari o operator ng jeepney na magpaliwanag kaugnay ng insidente. Samantala, pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw ang lisensya ng driver, at nagpalabas din ng alarm laban sa naturang sasakyan.
Karaniwan sa Aurora Boulevard ang mga "patok" na jeepney—mga pampasaherong jeep na may mas mahabang chassis kaysa sa karaniwang jeepney at kilala sa pagpapatugtog nang malalakas na musika.
Si Marilou Castillo na sumasakay din sa pampasaherong sasakyan, inilahad ang hindi niya magandang karanasan sa mga naturang jeepney kaya mas pinipili na niyang sumakay sa e-jeepney.
“Nakahawak na ako, hindi pa nakaakyat. ‘Yung isang paa ako, nasa baba pa. Bigla siyang didiretsyo na aandar,” ayon kay Castillo.
Para kay Castillo, dahil sumailalim sa seminar ng pamahalaan tungkol sa maingat na pagmamaneho ang mga jeepney driver.
Samantala, ilang estudyante ang nagsabing patuloy pa rin silang sumasakay sa mga "patok" na jeep dahil sa mas mura ang pamasahe na ₱11 kumpara sa ₱15 na sinisingil sa mga bus. Gayunman, aminado silang pamilyar sila sa mga delikadong karanasan na may kinalaman sa mabilis na pagpapatakbo ng mga naturang sasakyan.
“Minsan po umaandar na lang din po sila bigla nang hindi pa nakakababa ‘yung pasahero. Parang nakakahiya, nakakatakot din po,” ayon sa isang estudyante.
“Strict regulations lang po sa pag check-check sa mga highways po, sa mga kalsada para maiwasan na po yung ganung klase ng driver,” saad ng isa pang mag-aaral.—FRJ GMA News
