May pasilip ang GMA Pictures sa pinaghahandaan nito na bagong pelikula.

Sa isang social media post, inilabas ng GMA Pictures ang teaser poster ng kanilang nalalapit na pelikula. Tampok dito ang isang batang lalaki na mga mata lang ang makikita sa ilalim ng isang detalyadong gold-and-plaid headdress.

β€œHe sees a little more magic than the rest of us. Meet him soon,” saad sa caption.

Ang pelikula ay co-production ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment, na pagmamay-ari nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na iba pang detalye tulad ng pamagat ng pelikula, mga kabilang sa cast, at petsa kung kailan ito ipalalabas.

Kilala ang GMA Pictures sa mga award-winning na pelikulang "Green Bones," "Firefly," "Muro-Ami," at "Jose Rizal."

Ang "Green Bones," na itinanghal na Best Picture sa 2024 Metro Manila Film Festival, ay isa ring co-production ng GMA Pictures, GMA Public Affairs, at Brightburn Entertainment.

Pinagbidahan ito nina Dennis Trillo at Ruru Madrid, na tumanggap ng parangal bilang Best Actor at Best Supporting Actor, ayon sa pagkakasunod, para sa kanilang pagganap.β€”Jade Veronique Yap/FRJ GMA News