Kinumpirma ng World Bank (WB) ang katayuan ng Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC) matapos nitong malampasan ang gross national income (GNI) per capita sa itinakdang antas para sa mga bansang kabilang sa nasabing kategorya, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) nitong Miyerkules.
Sa pinakahuling pagsusuri ng World Bank sa antas ng kita ng mga bansa ngayong Hulyo, iniulat na umabot na sa $4,850 ang GNI per capita ng Pilipinas, na mas mataas kaysa sa $4,636 na itinakdang threshold para sa UMIC.
Ayon sa DEPDev, ang pag-angat na ito ay bunga ng tuluy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala sa macroeconomy, at long-term structural reforms.
“The shift was underpinned by steady economic expansion, with Gross Domestic Product (GDP) growing by an average of 5.8 percent from 2021 to 2025," saad sa pahayag ng DEPDev.
"Strong performance across all industries raised GNI per capita by 8.5 percent in 2025, lifting the Philippines from the lower-middle into the upper-middle income category,” dagdag nito.
Sinabi ni DEPDev Secretary Arsenio Balisacan na ipinapakita ng pinakahuling pag-unlad na ito ang katatagan ng ekonomiya ng Pilipinas.
“Despite global and domestic shocks, we have relentlessly pursued inclusive growth, strengthened fundamentals, and remained on track with our development agenda,” ani Balisacan.
Ayon sa kagawaran, inaasahang higit pang mapapalakas ng bagong katayuang ito ang credit profile ng bansa, mapapataas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, at magbubukas ng mas maraming de-kalidad na pamumuhunan na lilikha ng mas magagandang oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.
Bagama't kinilala ni Balisacan na maaaring unti-unting mabawasan ang ilang mababang interes na development loans, iginiit niyang higit na malaki ang magiging pakinabang mula sa matatag na pundasyon ng ekonomiya at expanded market access.
“We welcome this recognition of our progress, and we commit to deepen reforms to sustain our economic development,” saad ni Balisacan.
Kinilala rin ng kalihim ang malaking ambag ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
“Our OFWs have played an important role in reaching this milestone. At the same time, our long-term goal is to create more high-quality jobs at home so overseas employment becomes a choice, not a necessity,” ani Balisacan.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Balisacan na ang pag-angat ng katayuan ng Pilipinas ay hindi nangangahulugang wala nang mga pagsubok sa ekonomiya ng bansa.
“We acknowledge that income disparities persist, and many continue to face economic difficulties. Our priority is to ensure that growth becomes more inclusive, and that its benefits reach all Filipinos,” sabi pa ni Baliscan. –Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News

