Inaasahang magkakaroon ng malaking taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo. Ayon sa isang source mula sa industriya ng langis, maaaring pumalo sa P10.50 kada litro ang itataas sa presyo ng diesel dahil sa muling pagsiklab ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Narito ang tinatayang galaw ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo batay sa lingguhang average ng MOPS at foreign exchange (forex):

  • Diesel +9.50 to +10.50 per liter
  • Gasoline +3.50 to +4.50 per liter

"World oil prices are mainly supported by an elevated geopolitical risk premium, which rebuilt after Iranian attacks on commercial ships attempting to transit the Strait of Hormuz outside the Iranian-approved route, and the retaliatory strikes by the US on Iranian military assets," ayon sa oil industry source.

"Worries of supply disruption, tightening product balances as vessel traffic in the Strait of Hormuz declined sharply, and the US naval blockade of ships to and from Iranian ports have pushed prices higher," dagdag nito.

Sinabi rin ng source na nakaapekto rin sa paggalaw sa presyo ang pagbaba ng Russia sa kanilang diesel export.

Noong Huwebes, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na pinalawak ng pamahalaan ang United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program upang magbigay ng pinansyal na ayuda sa mga mahihirap na Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa Pangulo, sa ilalim ng UPLIFT Assistance, 7.5 milyong kabahayan, o humigit-kumulang 37.5 milyong Pilipino sa buong bansa, ang makatatanggap ng tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.

Partikular na sinabi ni Marcos na 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ang makatatanggap ng isang beses na karagdagang ayuda na hanggang P2,000. —FRJ GMA News