Hinatulan si Janet Napoles ng Sandiganbayan na guilty sa mga kasong graft at malversation of public funds kaugnay ng mga ghost project na gumamit ng pondo mula sa Department of Agrarian Reform.
Sinentensiyahan ng Sandiganbayan Sixth Division si Napoles ng pagkakakulong na 12 hanggang 15 taon para sa bawat isa sa 10 bilang ng graft at 17 hanggang 20 taon para sa bawat isa sa 10 bilang ng malversation, ayon sa ulat ni Maki Pulido ng GMA News.
Inatasan din siyang magbayad ng multang P5 milyon para sa bawat bilang.
Dumalo si Napoles sa pagdinig sa pamamagitan ng partial video conference mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Samantala, napatunayan din ng Sandiganbayan na nagkasala si Evelyn de Leon, dating empleyado ni Napoles, sa tatlong bilang ng graft at malversation.
Sinentensiyahan siya ng 14 hanggang 19 na taon na pagkakakulong para sa bawat bilang.
Samantala, sinentensiyahan ng korte ang dating DAR undersecretary na si Jerry Pacturan ng 14 hanggang 19 na taon para sa 10 bilang ng malversation. Pinagmulta rin siya ng P5 milyon para sa bawat bilang.
Napawalang-sala siya sa mga kasong graft. —Jamil Santos/VBL GMA News

