Isang 34-anyos na lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nadatnan ng mga awtoridad na nakasubsob sa semento ang biktima sa Barangay Francisco Reyes Huwebes ng gabi.

Batay sa isang saksi, naglakad lang palayo ang salarin matapos ang pamamaril.

“Binaril siya nang dalawang beses sa may tagiliran tapos isa sa dibdib tapos umalis na. Naka-black na hoodie... Dumiretso na siya, pumasok sa eskinita,” sabi ng saksi.

Sinabi naman ng kapitan ng Barangay Francisco Reyes na rumesponde siya agad kasama ng mga tanod matapos matuklasan ang insidente. Blangko pa sila sa motibo sa krimen.

“May nag-text sa akin na ka-barangay, ‘yung mga nandito, may barilan daw. Nag-iimbestiga na mga pulis eh. So wala akong ideya. Nakausap ko rin naman ‘yung pamilya,” sabi ni Roger Llames, chairman ng Barangay Francisco Reyes.

Hindi nakunan ng CCTV camera ang pamamaril.

Narekober sa crime scene ang nasa tatlong basyo ng bala.

Pasado 12 a.m. nang maialis ang bangkay ng lalaki.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima. —Jamil Santos/VBL GMA News