Sugatan ang isang barangay kagawad na isa ring abogado matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa matukoy na gunman sa Barangay Olympia, Makati City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing umalingawngaw ang dalawang putok ng baril sa bahagi ng Zapote Street pasado 8 a.m. nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Atty. John Yland de Ocampo, na dinala sa ospital.

Batay sa pulisya, papasok na sana sa opisina ang biktima nang mangyari ang pamamaril.

"Pagdating niya po sa notarial office niya, mayroon pong lalaki na pinaputukan siya... Upper left ear po, near temple sa taas," sabi ni Police Lieutenant Margaret Panaga, officer-in-charge ng Public Information Office ng Southern Police District.

Sinabi ng Barangay Olympia na makukuha sana ng mga CCTV nila ang aktuwal na pamamaril pero matagal na umano itong hindi gumagana.

Blangko rin ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril lalo't wala silang natatanggap na reklamo na may nakakaaway sa kanilang lugar ang biktima.

Sinabi pa ng malapit na kakilala ng biktima na tumangging humarap sa kamera na wala rin silang alam na nakakaaway ni de Ocampo.

Patuloy na inaalam sa ngayon ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa politika ang nangyari sa biktima.

Sinubukan ng GMA News na hingian ng panig ang barangay kung saan opisyal ang biktima pero tumanggi muna silang humarap sa camera.

Mariing kinondena ni Makati City Mayor Nancy Binay ang pamamaril kay de Ocampo.

Inatasan na ng alkalde ang pulisya na agad umaksyon sa kaso at hulihin ang mga responsable.

Sa panig naman ng SPD, sinabi nilang patuloy ang kanilang pagkalap ng mga CCTV footage na makatutulong sa ikahahanap ng gunman at malaman ang motibo sa pamamaril.

Ayon sa kakilala ng biktima, nananatili pa rin sa ICU si de Ocampo pero stable na ang kaniyang kondisyon. —Jamil Santos/VBL GMA News