Asahan na muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, batay sa pagtaya ng isang oil industry source.
Batay sa galaw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore at average ng foreign exchange sa nakalipas na apat na araw, tinataya ng source na maaaring madagdagan ng P6.00 hanggang P6.50 kada litro ang presyo ng diesel.
Habang P5.50 hanggang P6.00 kada litro naman ang posible umanong itaas sa presyo ng gasolina.
“World oil prices have rebounded significantly due to concerns of further disruption to oil supply as the Strait of Hormuz remains largely closed to vessel traffic, and growing security risks in the Bab el-Mandeb Strait expanded the conflict and raised the threat to global energy supplies and trade beyond the Persian Gulf,” ayon sa source.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang mga pagbabago sa presyo tuwing Lunes, at ipinatutupad ang mga ito sa susunod na araw ng Martes.
Ngayong linggo, nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng pagtaas sa presyo sa mga prduktong petrolyo. Nasa P3.50 hanggang P3.65 per liter ang itinaas ng gasolina, P10 hanggang P10.68 per liter naman sa diesel, at P11.60 hanggang P11.77 per liter sa kerosene.
Ang pinakahuling price adjustment, umaabot na ang kabuuang pagtaas sa presyo ng gasoline sa P49.92 kada litro, P50.43 kada litro sa diesel, at P48.39 kada litro sa kerosene. —FRJ GMA News

