Nakapagtala ng panibagong record na all-time low ang piso laban sa dolyar ngayong Biyernes dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Nangyari ito habang lalo pang tumitindi ang labanan ng Amerika at Iran sa Gitnang Silangan.
Nagsara ang piso ngayong araw sa P61.847 kada US$1, o 9.7 sentimo na mas mahina kumpara sa pagsasara nitong Huwebes, na siyang dating all-time low. Nagbukas ito sa P61.80 kada US$1, at umabot pa sa intraday low na P61.85 kada US$1 habang nagpapatuloy ang kalakalan.
"(T)he greenback was steady on rising crude oil prices as US and Iranian attacks escalated, renewing inflation concerns," saad ni Reyes Tacandong & Co. Senior Adviser Jonathan Ravelas sa ipinadalang mobile message.
"Expect the currency to range 61.90-62.10 levels in the near-term as currency makes new lows against the greenback," dagdag niya.
Kasabay nito, lumampas na muli sa US$100 kada bariles ang presyo ng langis sa unang pagkakataon mula pa noong Mayo matapos salakayin ng mga rebeldeng Houthi ang dalawang oil tanker ng Saudi Arabia sa Red Sea.
Dahil dito, naapektuhan ang isa pang mahalagang ruta sa kalakalan ng langis sa gitna ng muling paglala ng sigalot ng Amerika at Iran.
Samantala, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio na ipagpapatuloy ng US ang paglalagay ng pressure sa Iran hanggang sa isuko nito ang ambisyon na magkaroon ng nuke weapon at sumunod sa anumang kasunduang papasukin nito.
"The continued rise in energy prices is starting to put pressure on financial markets more broadly, beyond just the bond market," pahayag ni Capital Economics Chief Markets Economist Jonas Goltermann sa ipinadalang email.
"While central banks continue to take a measured approach to the renewed surge in energy prices, there is still plenty of scope for the turbulence in markets to ratchet higher if the US-Iran conflict continues to escalate," dagdag niya.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng BMI, isang yunit ng Fitch Solutions, na inaasahang mananatiling “under pressure” ang piso at maaaring maglaro sa pagitan ng ₱61 at ₱63 kada US$1 sa malapit na panahon.
Ayon sa kanila, ito ay dahil sa muling paglala ng tensyon sa Gitnang Silangan, patuloy na lakas ng US dollar, at pana-panahong pagtaas ng demand para sa mga inaangkat na produkto.
"Renewed gains in global energy prices will further weigh on the peso by pushing up the import bill and widening the trade deficit. Recent data already reflect this impact," ayon sa BMI. — FRJ GMA News

