Nilooban ng isang lalaki ang isang papupahang bedspacer sa Barangay Plainview, Mandaluyong City nitong madaling araw ng Lunes. Ang panloloob, nahuli-cam.
Sa kuha ng CCTV, nakita ang isang lalaki na pumasok sa gate ng nasabing paupahang bedspacer pasado ala-una ng madaling araw nitong Lunes.
Tumingin pa siya sa CCTV at saka sumilip-silip sa labas ng gate.
Makalipas ang tatlong minuto ay pumasok na siya sa pintuan ng bahay.
Hindi na nakunan ng CCTV ang mga sumunod na eksena, pero ang lalaki, nagnakaw na pala.
Ilang saglit lang, kitang lumabas ng pintuan at ng gate ang lalaki.
Makalipas ang isang oras, lumabas ang isang lalaki na isang tenant sa paupahang bedspace.
Kuwento ng 32-anyos na si Em Em, hindi niya tunay na pangalan, naalimpungatan lang siya at bigla na lang napansin ang nagkalat na mga gamit niya sa kanilang kwarto.
Agad daw niyang chineck ang CCTV at doon nalaman na pinasok na pala sila!
Ang kanila raw gate, nakaligtaan palang isara.
“Bedspace kasi ito. Tapos 'yung isang kasama ko, medyo pagod din sa trabaho, nakaligtaan na lang din isarado 'yung main gate saka 'yung main door saka 'yung door namin sa kwarto," sabi ni Em Em.
Pati 'yung dalawang bag ko, nagkalat. Pati 'yung pera ko, 'yung ID ko. Pero nawala na pala 'yung cash ko," dagdag niya.
Natangay daw ng suspek ang mahigit P5,000 cash na kaniya raw sanang budget para sa tatlong linggo.
Ang suspek, dayo sa lugar, ayon sa barangay.
“Ngayon lang po namin nakita 'yung pagmumukha niya sa CCTV na 'yun kaya 'di po namin siya talaga nakikilala," sabi ni Barangay Plainview OIC for peace and order Danny Boy Gison.
"Du'n naman po sa nanloob, maliit lang po ang mundo. Makikita at mahuhuli rin namin kayo. Kaya sana tigilan niyo na po 'yung mga ganyang gawain," aniya.
Patuloy ang pagtunton sa salarin na nahaharap sa reklamong theft.
Nagpaalala naman ang awtoridad sa publiko na laging mag-ingat.
“Lagi po nating i-double check kung nakasara po ang lahat ng mga pinto, bintana at gate natin lalo na po ngayon sa panahon ng tag-ulan, dahil 'yan po ang panahon na paborito po ng masasamang loob para pumasok sa mga bahay," sabi ni Gison. —KG GMA News
