Hindi muna makatatanggap ng paunang bahagi ng P85 na dagdag sa minimum wage hike ang mga manggagawa sa Metro Manila dahil sa inilabas na temporary restraining order ng isang korte sa Pasig.
Ngayong Hulyo dapat ipatutupad ang pagkakaloob ng P60 na unang bahagi umento para sa mga manggagawa, at sa Enero 2027 naman ang ikalawang bahagi na P25.
Ayon kay Department of Labor (DOLE) Secretary Francis Tolentino, susundin nila ang utos ng Pasig Regional Trial Court bagaman ikinalulungkot niya ang inilabas na desisyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na ipauubaya nito sa hukuman ang usapin hinggil sa batayan ng naging desisyon.
Samantala, mariing kinondena ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang petisyong inihain sa Pasig City RTC na naglalayong ipatigil ang pagpapatupad ng Wage Order No. 27 na inilabas ng National Capital Region–Regional Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-RTWPB).
Ayon sa TUCP, ang petisyon na inihain ng dalawang construction firms ay naglalayong ipagkait sa mga manggagawa sa Metro Manila ang matagal nang hinihintay na umento.
Dahil sa TRO, mapipilitan umano ang mga manggagawa na maghintay pa nang mas matagal para sa tulong na tinawag nilang, “grossly inadequate in the face of soaring prices of food, transportation, electricity, housing, and other basic necessities."
"This is the height of corporate greed, desperation, and utter indifference to the daily suffering of Filipino workers," ayon sa grupo. — FRJ GMA News

