Nagbunga ang matiyagang pagtaya sa lotto ng isang single dad matapos siyang tumama ng P15 milyong jackpot prize sa Megalotto 6/45 draw noong July 8, 2026.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes, sinabing may 10 taon nang tumataya ng lotto ang lucky winner, at may kinalaman sa kapanganakan ng mga mahal niya sa buhay ang mga numero na kaniyang tinatayaan.
Hindi umano nagpapalit ng numero ang mananaya dahil naniniwala siyang magbibigay ito sa kaniya ng suwerte. Hanggang sa dumating ang araw na kaniyang hinihintay nang lumabas ang kaniyang mga numero na 13-05-30-25-22-11.
Nang tanungin kung ano ang gagawin niya sa premyo, inihayag sa pahayag na plano ng single dad na bumili ng lupang matataniman upang makapag-invest sa agrikultura.
Nais din niya magkaroon ng matatag na mapagkukunan ng pagkakakitaan sa hinaharap.
NO WINNER
Samantala, wala namang pinalad na manalo sa mga major lotto draw nitong Huwebes, July 30, 2026.
Sa Superlotto 6/49 draw, ang lumabas na mga numero ay 36-25-44-02-47-01, na may premyong P25,069,159.31.
Wala ring nakahula sa mga lumabas na numero sa Lotto 6/42 draw na 26-17-23-39-15-38, at may jackpot prize na P13,369,052.18. – FRJ GMA News

