Arestado ang isang lalaking 29-anyos sa Iloilo City dahil sa pakikipagtalik niya sa mga menor de edad na kinukuhanan niya ng video nang walang paalam. Ang video, ibinebenta pa niya sa isang adult website.
Sa ulat ni Kim Salinas sa GMA Regional TV Ratsada Balita nitong Huwebes, sinabing inaresto ng mga awtoridad ang lalaki sa isang boarding house sa Mandurriao, Iloilo City matapos ang isang taon na magsubaybay sa kaniya.
Ayon sa pulisya, wala umanong permanenteng trabaho ang suspek, at nagpapalipat-lipat ng tinutuluyang boarding house kada dalawang buwan.
Naaresto siya sa bisa ng warrant of arrest matapos humingi ng tulong sa mga awtoridad ang tatlong menor de edad na nagreklamo laban sa kaniya.
Ayon sa Regional Anti-Cybercrime Unit-6 (RACU-6), nagpupunta umano ang suspek sa mga bar upang maghanap ng mga menor de edad na babae na mahihikayat niyang makipagtalik sa kaniya kapalit ng pera.
Dinadala umano ng suspek ang babae sa kaniyang boarding house para doon sila magtalik at palihim niyang kinukunan ng video.
Ang video, ibebenta naman niya sa adult website.
Sinabi ng RACU-6 na kahit alam ng mga babae na kinukunan ng video ang pribadong sandali nila ng suspek, may kaso pa rin ang lalaki dahil sa pagiging menor de edad ng mga babae.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse o Exploitation of Children Act at Anti-Child Sexual Abuse o Exploitation Materials Act.—FRJGMA News
