Sapul sa CCTV ang lalaking yan na lumusot sa harang para maka akyat sa saradong gusali sa Tondo, Maynila pasado alas singko ng umaga kahapon.

Sa sumunod na anggulo, makikita na siya na dahan dahang kumikilos habang sumisilip sa kalsada.

Maya Maya, isang bagay ang kanyang dinukot at mabilis na tumakbo palayo. Agad naman sumunod ang isang lalaki na gwardya pala ng establisyimento.

Ayon sa pulisya, ang bagay na dinukot ng lalaki, service firearm pala ng gwardya na hindi umano nakalagay sa holster at nakasukbit lamang sa kanyang bewang/

Hindi na raw tinuloy ng gwardya ang paghabol sa lalaki dahil sa pangambang magamit mismo sa kanya ang baril na dinukot sa kanya ng lalaki.

Lumabas naman sa imbestigasyon ng mga awtoridad na naka idlip noon ang biktimang gwardya habang nanonood ng video sa kanyang cellphone.

May person of interest naman ang pulisya sa nangyari.

Sinubukan namin hingan ng pahayag ang pamunuan ng establisyimento pero gwardya na lang ang humarap sa media.

Tumanggi siyang magsalita sa camera pero sa kwento niya, ka-buddy niya ang nanakawan ng baril.

Saktong nag-iikot daw siya sa loob ng kanilang gusali nang maganap ang insidente kaya nagulat na lang din siya sa nangyari. Nagpaalala naman ang pulisya sa mga gwardya na palaging ingatan ang kanilang mga service firearm.

Patuloy naman ang follow up operation ng pulisya para mahuli ang salarin. —VAL GMA News