Dinakip ang isang 30-anyos na lalaki matapos ang ilang ulit niyang panggagahasa umano sa edad 7, 6 at 4-anyos na mga anak ng kaniyang live in partner sa Barangay Longos, Malabon.
Sa ulat ni Gabriel Gonzales sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pag-aresto ng pulisya sa akusado sa Hiwas Alley noong Biyernes, Hulyo 31, sa hudyat ng operatiba.
Ipinahuhuli ng korte ang lalaki dahil sa patong-patong niyang kasong panggagahasa.
“‘Yung mga parents ng mga bata is separated po sila ng three years. Nagbabakasyon po 'yung mga bata doon sa mother. Then may live-in partner po 'yung mother. Then po, doon po nangyari while on vacation po 'yung mga bata, sabi ni Police Master Sergeant Diana Caballero Palmones, Supervisor, WCPD, Malabon City Police Station.
Umabot ng dalawang buwan ang serye umano ng pang-aabuso sa tatlong menor de edad habang nagbabakasyon sila sa tahanan ng ina.
Ayon sa tatay ng mga biktima, dumaing ang 7-anyos niyang anak ng pananakit sa maselang bahagi ng katawan, kaya siya dinala sa doktor.
"Nakulangan po ako sa resulta sa ospital kasi dinudugo po siya... Kinausap ko na po 'yung bata. Tinanong ko siya, sabi ko, 'Anak, magsabi ka kay Papa. Ano ba talaga ang nangyari? Huwag kang matakot.' Tapos 'yun, doon na po kinuwento ng bata na ginaganu’n nga daw po sila ng amain niya," sabi ng ama ng mga biktima.
Kalaunan, umamin na rin ang dalawa pa niyang anak na edad 6 at 4 tungkol sa panggagahasa umano ng amain.
Mistulang nabunutan ng tinik ang tatay ng mga biktima sa pagkakadakip ng akusado.
"Laking ginhawa po kasi nakulong na rin po 'yung sumalbahe sa mga anak ko po... Sa ngayon, nag-re-recover na po sa trauma na sinapit po nila... Gusto ko lang talagang mangyari sa kaniya... mabulok siya sa bilangguan," sabi ng ama ng mga biktima.
Nasa kustodiya na ng Malabon City Jail ang akusado. Nahaharap siya sa 11 counts ng rape through sexual assault at isang count ng statutory rape.
Sinusubukan pa ng GMA News na kunan siya ng pahayag.
“Kapag po may iba pong lalaki sa inyong bahay, bantayan pong maigi ang inyong mga anak, lalo na po 'yung mga babae. And then, kapag naman po may nangyaring insidente na ganito, is magsumbong po kaagad mga bata sa teacher, sa barangay, sa CSWD, and then sa amin, Malabon City Police Station,” sabi ni Palmones. — Jamil Santos/RSJ GMA News
