Arestado ang tatlo sa limang Chinese dahil sa tangkang pagdukot sa kapwa nila Chinese at panghihingi ng mahigit P60 milyon ransom sa Angeles, Pampanga.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang biglang pagharang ng isang puting van sa likuran ng isang umaatras na itim na SUV sa isang establisimyento.
Ilang saglit pa, bumaba mula sa van ang limang armadong lalaki, tinutukan at puwersahang hinatak palabas ang driver ng SUV at isinakay ito sa kanilang puting van.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na isang Chinese ang driver ng SUV, pati na rin ang mga armadong lalaki.
“Inabangan nila at noong nakasakay na sila sa van, nu’ng paalis na itong sasakyan, nu’ng sumakay na ng sasakyan itong Chinese, isa doon sa mga suspek ay nakasuot ng camouflage. At kung titignan mo ‘yung galawan nila, napakabilis. Very swift 'yung ginawa nilang pagkuha. At 'yung modus sila, makikita mo, isinalin sa ibang sasakyan, inikot-ikot, then siyempre na-ready na nila 'yung safe house, kung saan nila dadalhin. Chinese to Chinese ang nangyari. So ang puntirya nila is Chinese,” sabi ni Police Brigadier General Jess Mendez, Regional Director, PRO3.
Nahanap at nadakip sa Tarlac City ang tatlo sa limang Chinese na dumukot sa kanilang kababayan sa follow-up operation ng RSOG 3 at PNP Anti-Kidnapping Group kinabukasan.
Isang Pilipina din ang dinakip na nagrenta ng puting van na ginamit sa pagdukot.
Nasagip ng PNP Region 3 at AKG sa Angeles, Pampanga ang biktima, na nakaposas pa nang tumakas sa mga safe house ng grupo sa Mabalacat, Pampanga.
Sinabi ng PNP Region 3 na may kaanak din sa bansa ang biktima at siyam na araw pa lang siyang narito nang dukutin.
Isang milyong dolyar o katumbas ng mahigit P60 milyon ang hinihinging ransom ng mga Chinese kidnapper.
“'Yung nagne-negotiate, going from one place to another, paikot-ikot lang sa area ng Clark, Angeles, then Tarlac. Based on our investigation, isa doon ay may kaso dati sa China na parang scam sa mga illegal gambling. And the other one, ang remarks nila is drug addict,” sabi ni Mendez.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga suspek.
Na-turnover na ang mga nadakip na suspek sa PNP Anti-Kidnapping Group habang nasampahan sila ng reklamong kidnapping sa Department of Justice. —Jamil Santos/VBL GMA News
