Naglabas ng kautusan ang Malacañang nitong Lunes ng umaga sa mga tanggapan ng gobyerno na lumipat sa angkop na alternatibong paraan ng pagtatrabaho at pasok sa mga paaralan sa National Capital Region (NCR) at iba pang lalawigan simula sa tanghali (12:01 pm).
Saklaw din ng Memorandum Circular No. 127 ang mga tanggapan ng gobyerno at paaralan sa mga sumusunod na lugar:
- Zambales
- Bataan
- Bulacan
- Pampanga
- Tarlac
- Nueva Ecija
- Cavite
- Batangas
- Rizal
- Laguna
- Quezon
- Occidental Mindoro
"Unless otherwise directed by their respective Local Chief Executives, alternative learning modes for classes at all levels in public and private schools shall be implemented in the aforementioned areas," nakasaad sa circular.
Gayunman, magpapatuloy sa operasyon ang mga ahensyang nagbibigay ng pangunahing serbisyo, serbisyong pangkalusugan, at tumutugon sa mga sakuna.
Samantala, nakasaad sa sirkular na nakasalalay sa pamunuan ng bawat kumpanya sa pribadong sektor ang pagsususpinde ng trabaho o pagpapatupad ng alternatibong work arrangements.
Bago pa inilabas ang kautusan ng Palasyo, ilang lokal na pamahalaan ang nag-anunsyo na ng suspensyon ng klase para sa Lunes.
Dakong 11:00 am, naglabas ang state weather bureau na PAGASA ng Orange Rainfall Warning para sa Metro Manila at limang iba pang lugar sa Luzon. —FRJ GMA News

