Inihayag ng Department of Justice (DOJ) nitong Martes na nagsampa sila ng kasong acts of lasciviousness at sexual assault laban kay Marikina Representative Marcy Teodoro.

Ayon sa DOJ, apat na bilang ng kasong sexual assault at isang kaso ng acts of lasciviousness ang isinampa laban kay Teodoro sa Marikina Regional Trial Court.

“The cases are now under the court’s jurisdiction and shall proceed in accordance with the Rules of Court for the conduct of trial,” ayon sa pahayag ng DOJ.

Nag-ugat ang mga kaso sa mga reklamong inihain ng dating close-in security ni Teodoro.

Nauna nang itinanggi ni Teodoro ang mga paratang at tinawag itong “malisyoso at hindi totoo.”

''Ang kanilang mga alegasyon ay walang sapat na basehan at gawa-gawa lamang na ang intensyon ay sirain ang aking reputasyon,'' ani Teodoro, na dati ring naging alkalde ng Marikina.

''Mukhang politically motivated attack laban sa akin. May mga trumatrabahong pwersa. Mukhang orchestrated ang paglabas ng balita, at ang lumabas na kuwento ay hindi kapani-paniwala,'' dagdag niya.

Nagsampa rin siya ng dalawang kaso ng perjury laban sa mga nagreklamo laban sa kaniya. —FRJ GMA News