Masayang ibinahagi ni Chariz Solomon na natanggap na niya ang kalahati ng kaniyang talent fee para sa pagtatrabaho noon sa naging kontrobersiyal na noontime show na “Tahanang Pinakamasaya.”
"I’m happy to announce... first and exclusive here!" natatawang bungad na sabi ni Chariz sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, nang matanong tungkol sa isyu.
"Tito Boy, masayang-masaya po akong i-share na naibigay na nila yung 50-percent sa aming mga host. I believed sa iba rin sa staff at production. I think nauna pa yata sila," sabi ni Chariz.
Sinabi ni Chariz na hindi naman sila galit sa atrasadong pagbabayad sa kanilang talent fee pero sadyang mayroon din silang pangangailangan.
Paliwanag niya, sa dalawang buwan na hindi nila nakuhang sahod, mayroong mga alok na trabaho na tinanggihan nila dahil sa pagbibigay prayoridad nila sa noontime show.
Dagdag pa ni Chariz, hanggang ngayon ay nakatatanggap pa siya ng pamba-bash dahil sa pagtanggap niya na maging host ng "Tahanang Pinakamasaya."
"It's sad kasi… guys, kahit hindi namin ‘yon tanggapin may ibang tatanggap nu’n, may ibang gagawa nu’n. The show will go on. It must," giit niya. "So tinanggap namin kasi kailangan namin ng work.”
Idinagdag ni Chariz isang napakasayang karanasan para sa kaniya ang maging bahagi ng isang noontime show.
“Sobrang ang dami naming natutunan. Ibang klase yung pagod, ibang klase rin yung saya…mga taong nakikilala mo,” dagdag niya.
Umere ang "Tahanang Pinakamasaya" ng ilang buwan noong 2024 upang pumalit sa "Eat Bulaga" sa GMA Network, na produced ng Television and Production Exponents (TAPE) Inc.
Nagtapos ang pag-ere nito noong March 7, 2024. —Nika Roque/FRJ GMA News
