Ilang buwan matapos na mapansin ng mga magulang na pumayat at tumamlay ang kanilang apat na taong gulang na anak na lalaki, bigla na lang siyang sumuka ng bulate habang nasa kanilang bahay sa Antipolo, Rizal. Ano nga ba ang nangyari sa bata? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, ikinuwento ng mga magulang ng batang itinago sa pangalang "Aries," na malusog naman ang kanilang bata nang isilang.

Pero noong nakaraang Disyembre, napansin nila na nangangayayat ang bata at matamlay. Lumaki rin umano ang tiyan nito at matigas.

Hanggang nitong nakaraang Enero, sumuka si Aries sa kanilang bahay at may iniluwa siyang bulate.

Kaya naman isinugod na nila sa ospital si Aries, at binigyan siya ng duktor na pampapurga. Sa video, makikita ang pagsuka ng bata ng mga bulate.

May pagkakataon pa na kinailangan ni Aries na hilahin niya ang bulate para tuluyang maialis sa kaniyang bibig.

Ayon sa ama ni Aries, nasa mahigit 80 bulate ang naisuka at naidumi ng kaniyang anak.

Sinabi ng mga duktor na sumuri kay Aries, mayroon siyang tinatawag na Erratic Parasitism, kung saan tila nagwawala ang mga bulate sa katawan ng bata at naghahanap ng malalabasan.

Maaari umanong pumunta ang mga bulate sa ibang organ sa katawan gaya ng baga at utak na lubhang peligroso kung mangyayari.

Pero paano kaya nakuha ng bata ang pagkakaroon ng bulate sa kaniyang katawan at kumusta na ang lagay niya ngayon? Papaano rin ito maiiwasan upang hindi mangyari sa ibang bata? Alamin ang buong kuwento sa video na ito ng KMJS. Panoorin. – FRJ GMA News