Pinakakasuhan na ng Department of Justice ang may-ari ng baril na ginamit sa pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban, Leyte. Tinututukan din ng ahensiya at ng National Bureau of Investigation ang grooming umano sa mga kabataan sa pamamagitan ng mga chat sa online games.
Sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa Unang Balita nitong Martes, sinabing iniulat ng DOJ na inirekomenda ng Tacloban Prosecutor's Office ang pagkakaso sa may-ari ng ginamit na baril.
“The owner of the gun in the Tacloban shooting. Our local prosecutor’s office in Tacloban issued a resolution indicting the owner of the gun for criminal negligence,” sabi ni DOJ Secretary Fredderick Vida.
Bukod sa Tacloban, nagkaroon din ng insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at mga pananaksak sa mga paaralan sa iba’t ibang parte ng bansa.
Grooming
Isa sa mga tinututukan ng DOJ at ng National Bureau of Investigation ang posibleng grooming na nangyayari sa mga kabataang naglalaro ng online games.
“Meron po kasi tayong nakikita na pattern. 'Yung mga naglalaro po, 'yung mga anak natin or 'yung nagpa-participate sa games, merong invitation sa kanila to join a separate chatroom na kung saan ang nakikita po nating pattern, may mga groomers po na tinatawag doon where they are enhanced, 'yung level of violence, 'yung level of getting more points, the exact extent, the exact motivation for these groomers," sabi ni Vida.
"Kaya ang appeal nga namin sa publiko is let's watch our kids, let's watch people we love regarding 'yung sa engagement nila in all these games,” dagdag niya.
May mga natukoy na ang mga awtoridad na mga grupo at indibiduwal ngunit tumanggi silang magbigay ng detalye.
Dagdag pa ng NBI, may mga na-monitor umano silang plano ng mga nasabing grupo.
“Meron po kaming personalities na na-identify at we already know kung saan. But we have to be certain before we do our reactions. Naka-surveillance po kami dito sa grupo na ito as early as sa event ng Tacloban,” sabi ni NBI Director Melvin Matibag.
“So we treated it as not an isolated case but it is designed na ganiyan talaga na gagawin nila. And we monitor that meron pang naka-schedule sila ng mga previous attacks in the coming months. In fact, there is a group chat na meron sila that we used to monitor pero nag-disband sila,” dagdag ni Matibag.
Nakatakdang makipagpulong ang mga kinatawan ng ilang ahensiya ng pamahalaan sa mga opisyal ng Meta na nagmamay-ari ng social media platforms tulad ng Facebook. —Jamil Santos/KG GMA News
