Pinaalalahanan ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa naturang teritoryo ng China tungkol sa mga patakaran sa "Breach of Condition of Stay" na may parusang multa at pagkakakulong nang hindi hihigit sa dalawang taon.
Sa isang Facebook post ng Konsulado, partikular nitong pinaalalahanan ang mga OFW na nasa ilalim ng Foreign Domestic Helper scheme at Enhanced Supplementary Labor Scheme, na maaaring makasuhan ng Breach of Condition of Stay kung papasok sila sa mga gawaing komersiyal o ibang trabaho.
Ayon sa post, maaaring makasuhan ang mga OFW ng Breach of Condition of Stay kung papasok sila sa mga gawaing komersiyal o ibang trabaho kahit may matanggap man silang bayad o wala, "basta hindi kasama sa Schedule of Work sa kanilang Standard Employment Contract."
Sinabi rin ng Konsulado na hindi naman sakop ng naturang patakaran ang mga permanent resident ng Hong Kong na nagtataglay ng Right of Abode.
Idinagdag pa sa paalala na maaari ding sampahan ng Breach of Condition of Stay ang mga OFW na lalampas sa kanilang awtorisadong pamamalagi sa Hong Kong, lalo na ang mga overstaying.
"Ayon sa HK Immigration Ordinance Section 41, may parusang multa na hindi hihigit sa HK$50,000 at pagkabilanggo na hindi hihigit sa dalawang taon ang Breach of Condition of Stay," dagdag pa sa post. - FRJ GMA News
