Binubuo ng mahigit 7,000 mga isla, nagsisilbing tahanan ng higit sa 100 na mga natatanging pangkat-etniko ang Pilipinas na patunay ng pagiging mayaman sa kultura, tradisyon at wika ang ating bansa. Gayunman, iniulat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na 40 sa 135 na mga wikang ginagamit ang nanganganib na maglaho. Anu-ano nga ba ang mga hakbang para mapreserba ang mga pambihirang wika ng mga katutubo? Alamin.

Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online kay Atty. Marites Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, inilahad niya na sa 40 na bilang ng mga nanganganib na wika, 22 ang nasa Luzon, 10 sa Visayas, habang walo naman sa Mindanao.

Sa website ng KWF, makikita kung saan bahagi ng bansa ginagamit ang isang wika. I-klik: Mapa ng mga Wika sa Pilipinas

Nilinaw ni Barrios-Taran na nagbabago ang degree o antas, at grado ng 40 nanganganib na wika, batay sa Language Vitality And Endangerment (LVE) ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO.

Narito ang pagtataya at distribusyon ng KWF batay sa antas o grado ng mga wika sa Pilipinas:

  • Ligtas (52 wika): Ginagamit ang wika sa lahat ng edad, mula sa kabataan hanggang sa mga matatanda.
  • Hindi Ligtas (42 wika): Ginagamit ang wika ng ilang bata sa lahat ng mga domeyn; ginagamit ito ng kabataan sa mga ilang limitadong domeyn.
  • Tiyak na Nanganganib (16 na wika): Ginagamit lamang ng henerasyon ng mga magulang hanggang sa matatanda ang wika.
  • Matinding Nanganganib (14 na wika): Halimbawa kung hindi na nagkakaunawaan ang lolo at ang anak, o 10 tao na lamang nagsasalita
  • Malubhang Nanganganib (10 wika): Halos hindi na makita ang mga datos, o wala nang makapanayam na mga nagsasalita nito.
  • Naglaho na: Nangangahulugan na hindi na aktibo ang wika o maaaring wala na. Ilan sa mga ito ang Agta Dicamay at Agta, Villa Viciosa na matagal nang wala sa listahan ng mga wika.

Ipinunto ng tagapangulo ng KWF, na may dating naitala bilang wika gaya ng Hamtikánon sa Antique, ngunit natuklasan kalaunan ng ahensiya na tumutukoy pala sa mga tao, at hindi sa mismong wika.

Ito rin ang kaso ng Manóbo Saranggáni, na unang nailista bilang Malubhang Nanganganib na wika. Kalaunan, sinabi ng komunidad na wala silang ganitong wika, kundi katawagan ito sa mga tao sa Sarangani.

“Kaya amin pong iba-validate muli at eekisan, mawawala siya sa listahan.

Ngunit hindi ibig sabihin po nu’n ay namatay siya. Kundi ayon sa balidasyon talagang noon pa man wala po iyon,” ani Barrios-Taran.

Nilinaw pa ng KWF na hindi ito ang nagdedeklara na ang wika ay extinct o naglaho na, kundi saklaw ng mga pag-aaral nito ang mga Ligtas hanggang sa Malubhang Nanganganib, na nagagawan ng paraan para mapag-aralan.

Mga hamong hinaharap ng mga katutubong wika

Binanggit ni Barrios-Taran ang ilan sa mga hamon kung bakit nalalagay sa panganib ang ilan sa mga katutubong wika:

  • Trabaho at modernisasyon - Dahil sa pangangailangan ng trabaho at patuloy na pagtatayo ng mga kalsada o farm-to-market roads, natututo ang isang katutubo, halimbaawa ang isang Aeta, ng wikang mas madalas na ginagamit, at naiuuwi niya ito sa kanilang tahanan. Kalaunan, dalawa na silang mag-asawa ang mag-uusap ng bagong wika, at matututuhan din ito ng kanilang mga anak.
  • Dahil pa sa modernisasyon, ilang mga Aeta ang hindi na nagsusuot ng bahag kundi modernong kasuotan na.
  • Migrasyon - Kapag nakikita ng ilang katutubo na umuunlad ang buhay nila, bababa na sila sa kabihasnan at doon magrerenta, hanggang sa buong pamilya na ang maninirahan. Dahil dito, mababawasan ang komunidad na nagsasalita ng katutubong wika.
  • Mai-integrate naman ang pamilya ng Aeta sa pamayaman kung saan sila nagkaroon ng kabuhayan.
  • Internet - Nagkakaroon na rin ng internet sa lugar ng mga katutubo. Kaya sa halip na natututo ng wikang katutubo, sa internet na rin nakatuon ang mga bata.

Pagpepreserba ng katutubong wika

Bago pumunta sa lugar ng mga katutubo, nakikipag-ugnayan muna ang KWF sa mga elder nito sa pamamagitan ng Indigenous Peoples Mandatory Representatives (IPMR), National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at lokal na pamahalaan para sa pahintulot ng pagpepreserba ng wika.

Ilan sa mga programa ng KWF para mapreserba ang mga nanganganib na wika ang Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) at Bahay-Wika.

  • Bahay-Wika - Katuwang ang Indigenous Peoples Education (IPEd) ng Department of Education, tinuturuan ng mga elder, magulang at ng komunidad ang mga batang edad 2 hanggang 4 ng kanilang wikang katutubo sa bahay at paaralan.
  • Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP) - Sa tulong din ng mga elder, mga nakatatanda naman gaya ng mga nanay at tatay, ang binibigyan ng pagkakataon na muli nilang makilala, malaman, mapag-aralan at masalita ang kanilang wika.

Ibinahagi ni Barrios-Taran na mula sa Malubhang Nanganganib, naiangat ang Ayta Magbukon sa Bataan sa Tiyak na Nanganganib sa pamamagitan ng MALLP at Bahay-Wika.

Pagkakaroon ng mga ortograpiya ng katutubong wika

Huling pamamaraan ng KWF ang pagkakaroon ng mga katutubong wika ng mga pasulat na reperensiya para maipasa pa ito sa mga susunod na henerasyon.

“Ang aming huling hakbang ay magkaroon sila ng mga nakasulat na mga libro, sanggunian, diksyonaryo at ortograpiya, mahalaga po iyan. Ang ortograpiya ang sistema ng kanilang pagsulat, pagbigkas, at ito ang nagiging basihan para mas yumabong, dumami pa ang mga materyales na puwede nilang ipamana sa susunod na salinlahi,” sabi ni Barrios-Taran.

Ilan sa mga nabanggit ni Barrios-Taran na nagawan na ng komisyon ng Bahay-Wika ang mga Di-ligtas na wika na Manóbo Óbo ng mga katutubong Mënuvú Úbo sa hilaga at kanlurang bahagi ng Bundok Apo at Kidapawan sa Hilagang Cotabato; at Manóbo Dulángan sa Sultan Kudarat. – FRJ GMA News