Hindi akalain ng isang babae sa Romblon na malaking ipis na pala ang nasa tainga niya na narinig niyang tumutunog. Makuha pa kaya ito nang buo matapos pumasok sa kaniyang tainga habang natutulog siya? Alamin.

Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Dr. Erwin Geroleo Jr., isang espesyalista sa internal medicine, at gumamot sa babae, na nagpunta sa kaniya ang pasyente matapos makarinig ng kakaibang mga tunog mula sa loob ng kanyang tainga.

Ayon kay Geroleo, kaagad na pumasok sa kaniyang isip na posibleng may insektong pumasok sa tainga ng babae.

Matapos niyang suriin ang tainga, nakumpirma na ni Geroleo ang kaniyang hinala.

Upang makuha ang ipis mula sa loob ng tainga, sinabi ni Geroleo na una niyang ginawa ay i-immobilized ang insekto o pigilan sa paggalaw sa pamamagitan ng paglalagay ng maligamgam na baby oil.

“Para hindi gumasgas yung mga part ng insect na puwedeng mag-cause ng wounds doon sa loob ng tainga,” paliwanag niya.

Dahil nasa bukana lang ng tainga ang ipis, nagawa na itong alisin gamit ang forceps.

Buo na nakuha ang ipis at buhay pa, ayon kay Geroleo.

Matapos makuha ang ipis, sinuri ang loob ng tainga ng babae upang alamin kung nagkaroon ng sugat.

Sa kabutihang-palad, wala namang nakitang gasgas o impeksyon na idinulot ang ipis sa loob ng tainga ng pasyente.

Hinala ng doktor, ang kondisyon ng tirahan ng babae ang dahilan kaya napasukan ito ng ipis sa tainga dahil may mga butas sa dingding nito, at walang mosquito net sa higaan.

Kung mapapasukan ng insekto sa tainga, sinabi ni Kuya Kim na mapanganib ito kung hindi kaagad aaksyunan dahil maaaring maapektuhan ang eardrum o pandinig.

Kabilang sa mga senyales na maaaring may insektong pumasok sa tainga ang pangangati o pakiramdam na parang may kumikiliti, pagkakaroon ng mga tunog na parang pagkalmot o pag-ugong mula sa loob ng tainga, at pakiramdam na barado, hindi komportable, o masakit ang tainga.

Kung pinaghihinalaan na may insektong pumasok sa tainga, iwasang magpasok ng anumang bagay sa loob nito upang alisin ang insekto, dahil maaari itong magdulot ng karagdagang pinsala.

Magpatingin sa doktor upang ligtas na maalis ang insekto, lalo na kung may pananakit, pagdurugo, pagkawala ng pandinig, o patuloy na hindi komportableng pakiramdam.—Jade Veronique Yap/FRJ GMA News