Ikinandado ng Department of Migrant Workers–National Capital Region (DMW-NCR) ang hindi umano rehistrado, hindi ligtas at hindi makataong accommodation facility sa Parañaque City, na tinutuluyan ng mga nais na magtrabaho sa ibang bansa.
Sa isang pahayag ng DMW sa Facebook page nito, sinabing 68 aplikanteng OFWs ang sinagip at dinala sa isang OWWA-accredited hotel sa Pasay City upang pansamantala nilang tutuluyan.
Ayon sa pahayag, nakitaan ng maraming paglabag ang dalawang licensed recruitment agencies na gumagamit sa ikinandadong accommodation facility na isang tatlong palapag na tirahan.
Kabilang umano sa paglabag ang pagkuha ng mga agency sa mga pasaporte ng mga aplikante na hindi dapat na ginagawa.
Bukod sa hindi nakarehistro ang pasilidad, nagsisiksikan umano ang mga aplikante sa naturang tuluyan kaya ginamit na rin na tulugan ang balkonahe at basement ng lugar.
“OFW applicants were found sleeping on banig or thin makeshift bedding placed directly on plywood, without proper mattresses,” ayon sa pahayag.
Tatlo lang umano ang banyo na tig-isa sa tatlong palapag na gusali, at nasa labas ang shower na open-air area kaya wala umanong kaukulang privacy at proteksyon ang mga aplikanteng OFW.
“The accommodation had inadequate ventilation and no sufficient air-conditioning. OFW applicants had to provide their own small electric fans to cope with the conditions inside the facility,” ayon pa sa pahayag.
Wala rin umanong kaukulang fire exit o emergency exit sa gusali, at may nakaharang din sa hallways na maaaring ikapahamak ng mga aplikante kung magkaroon ng sunog o lindol.
May isang aplikante rin umano na natuklasan na binago o pinalitan ang identification documents na kailangang masusing imbestigahan upang papanagutin ang may kasalanan. – FRJ GMA News

