Isang 62-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na pauwi na sa Pilipinas ang kabilang sa tatlong nasawi sa karambola ng tatlong sasakyan sa highway sa Taiwan noong Agosto 19, 2026. Kasama noon ng OFW ang dalawa niyang amo na mga Pilipino rin, at parehong sugatan sa nangyaring sakuna.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing papunta na sa airport at sakay ng van ang nasawing Pinay caregiver na si Ebella Escolonia Cortes, kasama ang kaniyang mga amo, upang bumiyahe pauwi ng Pilipinas.
Pero tumigil sila sa highway nang may makasagian na kotse ang kanilang van. Nag-uusap ang driver ng kotse at van sa labas ng kanilang mga sasakyan nang bigla silang masalpok ng isa pang kotse.
Nasawi ang dalawang driver na nasa labas, habang napuruhan si Cortes na nasa loob ng van, kasama ang kaniyang mga amo na sugatan din sa insidente pero nakaligtas.
Nakaligtas din ang driver ng kotse na nakabangga sa mga biktima.
Humihingi ng tulong ang anak ni Cortes na si Roy upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kaniyang ina.
Aniya, nakausap pa nila ang kaniyang ina bago ang insidente at nagbilin ito na mag-ingat sila.
“Sana po matulungan ninyo ang nanay ko. Mapanagot yung nakabangga at sana magkaroon ng hustisya,” hiling ni Roy, na nagsabing 10 silang magkakapatid.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa naulilang pamilya ni Cortes at tiniyak ang tulong na ibibigay sa kanila.
Nakikipag-ugnayan din umano ang MECO sa mga awtoridad at kinauukulang ahensiya sa Taiwan kaugnay sa nangyaring insidente, at sa isinasagawang imbestigasyon.
Nakikipag-ugnayan din ang MECO sa pamilya ni Cortes para maiuwi ang kaniyang mga labi sa Pilipinas na inaasahang maisasagawa sa Agosto 30.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng trahediya.—FRJ GMA News