Isang lalaki na kumakain sa paresan ang sugatan matapos na masalpok ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) na minamaneho ni Niño Muhlach ang tindahan at ilan pang establisimyento sa Marcos Highway sa Antipolo City, Rizal noong Linggo.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing tumawid ang sasakyan ni Muhlach sa kabilang bahagi ng kalsada at bumangga sa tatlong tindahan, kabilang ang isang paresan kung saan kumakain ang nasugatang lalaki. Kaagad naman siyang dinala sa ospital.
Tumama rin ang sasakyan ng aktor sa isang motorsiklo, na napunta at naipit sa ilalim ng SUV.
Ayon sa pulisya, papunta si Muhlach sa Masinag nang magkaroon umano ng problema ang makina ng sasakyan na dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela nito.
Nagkaroon na umano ng kasunduan si Muhlach at ang mga may-ari ng mga establisimyento.
Sinagot din ng aktor ang gastusin sa pagpapagamot sa nasugatang lalaki.
Sa isang pahayag na nakikita sa kaniyang Instagram account nitong Lunes, inako ni Muhlach ang responsibilidad sa aksidente. Nilinaw din niya ang ilang naunang impormasyon tungkol sa nangyari.
"The initial information released stating that the crash was caused by mechanical failure was based solely on the preliminary findings of the police investigation, not from my own words. I want to be completely clear and honest: the accident was entirely my fault," ayon sa aktor.
Dagdag pa niya, " due to an extremely demanding and exhausting schedule, I fell asleep behind the wheel."
Ayon pa kay Muhlach, day-off ng kaniyang driver noong Linggo kaya siya ang nagmaneho ng sasakyan.
"I take full personal and legal responsibility for what happened. My priority right now is ensuring that the affected individual receives all the necessary care, support, and medical assistance, and that all damages caused to the properties and establishments are fully compensated and rectified," patuloy niya.
Sa pagtatapos ng kaniyang pahayag, humingi siya ng paumanhin “for the victim, their family, and everyone affected by my negligence. I am fully cooperating with authorities as this matter is being resolved."
—Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News
