Pinagmulta ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng P1 milyon ang isang gambling firm dahil sa pag-sponsor nito sa ginawang pamimigay ng isang celebrity influencer ng mga cellphone nang hindi kumukuha ng pag-apruba mula sa naturang ahensiya ng pamahalaan.
Matapos ang ipinataw na multa, nagbabala si PAGCOR Chairperson Alejandro Tengco na mas mabigat na parusa ang ipapataw ng ahensya sa kompanya kapag nasundan pa ang ginawang paglabag na maaaring humantong sa pagkakasuspinde o pagkansela ng kanilang gaming license.
“We fined the online gaming company P1 million and, together with that, gave them a stern warning na hindi na dapat maulit ito,” sabi ni Tengco nang humarap sa House of Representatives Committee on Appropriations kaugnay ng pagdinig sa 2027 budget ng ahensiya.
“Kung mauulit ito, heavier fine, and the possibility that it can lead… another violation can lead to the suspension and ultimately, the cancellation of their license,” dagdag ng opisyal.
Ayon kay Tengco, ginawa ng kompanya ang naturang promosyon nang walang kaukulang pahintulot mula sa PAGCOR.
Humingi ng komento ang GMA News Online sa gambling firm para sa kanilang panig subalit wala pa ito habang ginagawa ang ulat.
Ginawa ni Tengco ang pahayag kasunod ng pagpuna ni Kamanggagawa Party-list Representative Elijah Fernando sa naturang promosyon, kung saan kailangang i-“like” ng mga kalahok ang social media page ng gambling firm para maging kuwalipikado sa giveaway na cellphone.
Samantala, inihayag din ni Tengco na inaasahan na bababa sa P86.498 bilyon ang kabuuang kita nito ngayong taon mula sa P106.031 bilyon noong 2025.
Iniuugnay ni Tengco ang inaasahang pagbaba ng kita ng PAGCOR sa naging kautusan ng Central Bank sa mga e-wallet na alisin sa kanilang serbisyo ang mga online gambling platform.
Nakaapekto rin umano sa kita ng ahensiya ang epekto sa merkado ng nagaganap na kaguluhan sa Middle East.
Iniulat ng ahensya na bumaba ng 20% ang gross gaming revenues (GGR), o kabuuang kita mula sa pagsusugal, sa P88.13 bilyon noong ikalawang quarter ng 2026 mula sa P110.63 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Nanatiling pangunahing pinagmumulan ng kita ang mga lisensyadong casino, na nakapagtala ng P45.37 bilyon.— FRJ GMA News

