Dahil sa pagkakasangkot sa aksidente kamakailan na isang lalaki ang nasugatan, inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na pinadalhan nila ng Show Cause Order (SCO) at sinuspinde ang lisensiya sa pagmamaneho ng aktor na si Niño Muhlach.
Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Martes, hindi binanggit ang pangalan ni Muhlach, pero binanggit nito ang katagang “aktor” na naaksidente sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal.
Nangyari ang insidente noong Linggo kung saan ilang tindahan ang nabangga ng minamanehong Sports Utility Vehicle ni Muhlach. Isang lalaki ang nasugatan sa insidente, at isang motorsiklo rin ang napinsala.
Binanggit ng LTO sa pahayag ang paunang ulat ng Antipolo Component City Police Station, na nagsasaad na nawalan umano ng kontrol ang aktor sa minamaneho niyang sasakyan, na dahilan para mapunta ang sasakyan nito sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo.
Inihayag din ng LTO ang inilabas na pahayag ng aktor kung saan inamin ni Muhlach na nakatulog siya habang nagmamaneho dahil sa pagod kaya nangyari ang insidente. Inako niya ang responsibilidad at pananagutan sa nangyari.
Ayon pa sa pahayag ng LTO, bilang bahagi ng proseso, kinakailangang humarap ang rehistradong may-ari at ang drayber ng SUV sa Intelligence and Investigation Division (IID) ng ahensiya para sa pagdinig na nakatakda sa Agosto 28, 2026.
“Inaatasan din silang magsumite ng sinumpaang paliwanag at mga kaukulang dokumentong maaaring magsilbing suporta sa kanilang panig kaugnay ng mga alegasyong nakasaad sa SCO,” patuloy ng LTO.
Ayon pa sa LTO, maaari maharap ang aktor sa kaukulang pananagutan para sa mga paglabag sa ilalim ng umiiral na mga batas at regulasyon ng LTO, kabilang ang reckless driving. Gayundin ang posibleng pagsuspinde o pagbawi ng kaniyang lisensya sa pagmamaneho dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
"Bago pa man paandarin ang sasakyan, dapat alam na ng driver kung kaya niyang manatiling alerto hanggang sa makarating sa kaniyang destinasyon. Kung pagod o inaantok, huwag nang ipilit ang pagmamaneho dahil inilalagay lamang niya sa panganib ang kaniyang sarili, pati na rin ang ibang motorista at mga taong nasa paligid,” pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, sinabi ng LTO na ilalagay sa alarm status ang sasakyan at inatasan ang aktor na agad na isuko ang kaniyang driver’s license sa IID, na sasailalim sa 90-araw na preventive suspension. – FRJ GMA News

