Napurnada ang planong pangho-holdap ng dalawang lalaki na sakay ng tricycle sa tatlong kabataan matapos na madapa ang suspek na bumaba at pipigil sana sa mga bibiktimahin nila sa Villamonte, Bacolod City.
Batay sa ulat ng GMA Regional TV, na inilabas din sa GTV News Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa CCTV footage na naglalakad ang tatlong kabataan nang biglang huminto ang isang tricycle malapit sa kanila.
Ilang saglit pa, bumaba ang pasahero nitong lalaki at mabilis na hinila ang isang batang babae pero nakapiglas.
Nagulat ang iba pa niyang mga kasama at mabilis silang nakatakbo palayo.
Tinangka silang habulin ng isang lalaki pero nadapa ito.
Dahil mabilis na nakalayo ang tatlo nilang bibiktima, wala nang nagawa ang suspek kung hindi ang sumakay na muli sa tricycle at tumakas na sila.
Sinabi ng ilang residente na kadalasang umaaligid ang mga holdaper sa nasabing lugar na makitid ang daan upang maghanap ng mabibiktima.
Siniguro naman ng pulisya na magdadagdag sila ng mga tauhan na magbabantay sa lugar. – Jamil Santos/FRJ GMA News
