Sinabi ng kampo ni Leyte Representative Martin Romualdez nitong Martes na tila “nauna nang hinusgahan” ng Office of the Ombudsman ang dating lider ng Kamara de Representantes bilang utak umano sa kontrobersiyal na mga proyekto tungkol sa flood control kahit hindi pa natatapos ang imbestigasyon nito.

“Sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming mga pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang kongklusyon na nabuo, at hinahabol ang ebidensiya para lang masuportahan 'yung…legal conclusion na sa amin namang palagay ay wala nga,” saad ni Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, sa isang pahayag nitong Martes.

Iniimbestigahan ng Ombudsman si Romualdez dahil sa mga alegasyon ng pandarambong, katiwalian, panunuhol, at money laundering, kaugnay ng umano’y panlilinlang sa paggamit ng pambansang budget at usapin ng mga flood control projects.

“Ang naging problema namin diyan kasi nga at this stage po ng investigation, ang hinihiling po ng ating mga alituntunin at ng ating batas at mismong Saligang Batas ay fairness and impartiality,” giit ni Fajardo.

“Ang tawag namin po diyan ay prejudicial, at in effect parang ginagatungan 'yung anumang kaisipan,” dagdag pa niya.

Hiniling ni Fajardo sa Ombudsman na resolbahin ang mga reklamo batay sa mga ebidensiyang maayos na isiniwalat at nasuri nang patas sa mga pagdinig.— Llanesca T. Panti/FRJ GMA News