Sa bisa ng warrant of arrest, dinakip nitong Linggo ng hapon sa Mandaluyong City ang kapatid ng aktres at TV host na si Kim Chiu na si Lakambini “Lakam” Chiu, na may kinakaharap na 124 na bilang ng qualified theft.

Sa pahayag ng Quezon City Police District (QCPD), sinabing nakalista si Lakas bilang No. 6 Most Wanted Person ng Kamuning Police Station.

Sa hiwalay na pahayag, tinukoy ng National Capital Region Police Office si Lakam na isang tao na, “who has ties to a prominent entertainment personality.”

Sa isang opersyon ng mga awtoridad, nadakip umano si Lakambini ng mga operatiba ng Kamuning Police Station sa isang parking area sa kahabaan ng Saint Francis St., Barangay Wack Wack sa Mandaluyong City, dakong 4:06 ng hapon

Inilabas ang warrant of arrest laban sa suspek ng Branch 24 ng Quezon City Regional Trial Court, na nagtakda ng piyansa sa halagang P5,838,000 para sa pansamantala niyang kalayaan.

Ayon sa QCPD, kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Kamuning Police Station para sa booking procedures at kaukulang legal na proseso.

“No matter who the person is, a valid warrant of arrest must be enforced in accordance with the law,” pahayag ni QCPD Director P/BGen. Christopher Olazo.

“The QCPD will continue its intelligence-driven operations to locate wanted persons and bring them before the proper authorities,” dagdag ng opisyal.

Noong Disyembre 2025, nagsampa si Kim Chiu ng reklamo para sa qualified theft laban kay Lakambini na nakatatanda niyang kapatid, makaraan umano niyang matuklasan ang “serious financial discrepancies” sa kaniyang negosyo.

"This decision did not come easily. It is one of the most painful steps I have ever taken in my life," saad noon ng aktres sa kaniyang pahayag.

“Unfortunately, substantial amounts connected to my business assets were found missing. These discoveries forced me to take formal action to protect not just my company, but also the livelihoods of the people who work with me and the integrity of everything I have built,” dagdag niya. — FRJ GMA News