Pumanaw sa murang edad na 27 ang anak ng supermodel na si Cindy Crawford na si Presley Gerber.
Ayon sa mga dokumento mula sa Los Angeles County Medical Examiner na nakuha ng People Magazine, pumanaw si Presly, na isa ring modelo noong Linggo, Setyembre 20, habang nasa isang rehab facility.
Unang iniulat ng TMZ ang insidente, at sinabing hindi pa nakukumpleto ang awtopsiya.
“The family is asking for privacy during this very difficult and painful time,” pahayag sa People Magazine ng kinatawan ng pamilya na kinabibilangan nina Cindy, ama ni Presley na si Rande Gerber na isang negosyante, at ng kaniyang kapatid at kapwa modelong rin na si Kaia Gerber.
Isinilang si Presley sa Beverly Hills, California, noong 1999. Tulad ng kaniyang ina at kapatid na babae, nagtrabaho rin siya bilang modelo.
Nakapirma siya sa kilalang modeling agency na IMG noong 15-anyos pa lang siya. Naging modelo siya para sa mga brand tulad ng Moschino, Dolce & Gabbana, at Calvin Klein.
Bago siya pumanaw, hayagang ibinahagi ni Presley ang kaniyang mga pinagdaraanan tungkol sa mental health at pag-abuso sa mga ipinagbabawal na substance.
“[Mental health] is an issue. It is such a big part of my life. It’s a 24/7 job, and there’s so much to it,” saad noon ni Presley sa “Studio 22” podcast.
“That’s really what I want to do—help people, whether you’re depressed, you’re struggling with something that is having a negative effect on your body. I mean it could be anything, and there’s no judgment,” dagdag niya.
Dagdag ni Presley, umaasa siyang hindi gagawin ng ibang tao ang mga pagkakamaling nagawa niya.
Nagsimula rin siyang mag-post ng mga video na “Mental Health Mondays” sa kaniyang Instagram page, kung saan ibinabahagi niya ang kaniyang pinagdaanan.
Tandaan, kung may kakilala o kayo mismo ang may pinagdaraanan at kailangan ng suporta o makakausap tungkol sa mental health, maaaring tumawag anumang oras sa mga sumusunod na numero:
DOH National Center for Mental Health Crisis Hotline
- Telepono: 1553
- Mobile number: 0919-057-1553
HOPELINE PH
- Telepono: (02) 8804 4673
- Mobile number: 0917-558-4673
- Mobile number: 0918-873-4673
—Nika Roque/FRJ GMA News

