Apat katao, kabilang ang tatlong bata, ang nasawi matapos sumabog ang napulot na bagay ng isa sa mga bata sa Roxas, Isabela nitong Linggo ng umaga. Apat pang menor de edad ang sugatan sa insidente.
Sa Facebook post Isabela PNP, sinabing nangyari ang insidente dakong 9:00 am nitong Linggo sa Purok Raniag, Barangay Sinamar
Tinukoy ang mga nasawi na dawalang bata na walong-taong-gulang, isang bata na 10-taong-gulang, at isang 85-anyos na babae.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naglalaro ang mga bata nang may mapulot na isa sa kanila mula sa kanal ng isang bagay na hindi pa matiyak kung anong uri.
Nakita umano ng isang saksi na pinukpok ng bato ng isang bata ang napulot na bagay na naging sanhi ng pagsabog nito.
Nadamay lang umano ang senior citizen na babae na napadaan lang sa lugar nang mangyari ang pagsabog.
Apat pang menor de edad ang sugatan sa insidente ngunit maayos na ang kanilang kalagayan, ayon sa pulisya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at nagsagawa ng post‑blast investigation ang Provincial EOD and Canine Unit (PECU), Isabela para malaman kung ano ang bagay na sumabog.
Nagpaalala naman si Police Colonel Manuel Bringas, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, sa publiko, lalo na sa mga magulang at tagapag‑alaga, na huwag hayaang humawak o maglaro ang mga bata ng anumang bagay na kahina‑hinala o hindi pamilyar.
“Ang anumang bagay na kahawig ng bala, granada, o pampasabog ay maaaring magdulot ng panganib sa buhay. Huwag itong hawakan, galawin, o subukang buksan. Agad itong iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang maaksiyunan nang maayos at ligtas,” ayon kay Bringas.—FRJ GMA News

