Hindi lang pangalan ang pinalitan ng dating si Charice Pempengco, kung hindi maging ang pisikal nitong anyo para sa kaniyang bagong katauhan bilang si Jake Zyrus.
Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Jake na wala na si Charice at ibang tao na siya ngayon.
"Yung Jake talaga yung pinaka ano na pangalan na naramdaman ko... na I was looking in the mirror, na sabi ko sa sarili ko na alam mo 'yon, parang kinikilig," masaya niyang kuwento.
Marami ang nagulat sa kaniyang biglang pagbabagong nang mag-post si Jake ng bago niyang pangalan sa kaniyang mga social media account.
Bagaman hindi nagustuhan ng kaniyang lola Tess ang kaniyang ginawa, ang kaniyang ina na si mommy Racquel, nagulat man ay tanggap daw ang desisyon ng anak.
"I'm happy and proud of what my mom said. I know it wasn't easy for her but she's still manage to really accept everything, so someday my grandma will come around," aniya.
Natutuwa naman si Jake na may fans pa rin siyang hindi bumibitiw ng suporta sa kaniya.
Katulad ng isang tagahanga na hawak pa ang placard na may pangalan ni Jake Zyrus na sumali sa isang pride march.
"Hindi ko ine-expect na sakto sa pride month and actually few years back, four years ago, June din pala ko nag-come out," aniya.
Kasabay ng kaniyang pagpapalit ng pangalan, ipinatanggal na rin ni Jake ang kaniyang dibdib.
Tinawag naman niyang "tiis-pogi" ang pag-i-inject ng male hormones na testosterone kaya mapapansing nagkakaroon siya ng bigote at unti-unti na ring lumalaki ang kaniyang boses.
"No matter what people say I know to myself who I am, I know that I'm a man, so I'm going to be," saad niya.
Nang tanungin kung magpapa-gender re-assignment din ba siya, tugon ni Jake, "It's part of the plan but years from now I'm not really rushing to everything."
Sa ngayon, masasabi raw ni Jake na mas kompleto at mas masaya na siya ngayon.
At kahit nagbago daw siya ng pangalan at nagpalit ng hitsura, hindi naman daw nagbabago ang pagmamahal niya sa musika.
Katunayan, nakapag-record na umano siya ng bagong single bilang Jake Zyrus. -- FRJ, GMA News
