Kinumpirma ng Kapuso star na si Katrina Halili kay "AHA!" host Drew Arellano na hindi siya nag-audition nang maging kalahok sa unang season ng "Starstruck." Ipinakita rin ng aktres ang kakaibang kaya niyang gawin sa kaniyang kamay.
Sa isang episode ng "AHA!, kinumpirma ni Katrina na nakasali siya sa kauna-unahang "Starstruck" nang madiskubre siya habang kumakain.
"Oo. Kasi nung time namin wala pang 'Starstruck' so meron silang roving, so na-spot[an] ako habang kumakain," kuwento niya.
"Tapos sabi pasok na 'ko sa top 100. Kasi hindi pa kasi masyadong alam yung 'Starstruck' so hanggang sa nag-cut ng 60, 30, 14," dagdag niya.
Ikinuwento rin niya kung papaano siya nakaakyat kaagad sa high school matapos matigil sa grade 5 nang magpunta siya sa states kasama ang ina.
"Nag-stop ako ng grade 5 sumama ako sa mama ko sa states. Tapos sabi 'pag two weeks 'di ako nakabalik magre-repeat ako. Tapos sabi ko sa mama ko, narinig ko pwedeng mag-test, so nag-test ako, nag-high school ako agad," paliwanag niya.
Samantala, ipinakita rin ni Katrina sa "AHA!," kung gaano ka-flexible ang kaniyang kamay at daliri, na ikinamangha ni Drew.
Nang tanungin naman ni Drew si Katrina kung anong special power ang gusto niya, pinili ng aktres ang maging "invisible."
Ang kaniya naman naging karakter na si "Black Darna," ang pipiliin niya na sasagip sa kaniya kapag naiwan siya sa isang isla.
Panoorin ang buong panayam ni Drew kay Katrina sa "AHA!":
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
