Ikinuwento ni Kris Aquino kung bakit siya nagpakuha ng larawan habang nakalubog sa swimming pool at suot ang evening gown na gawa ng batikang designer na si Michael Leyva.

Kamakailan lang, marami ang humanga sa larawang ipinost ni Kris sa kaniyang Instagram account na nakalubog siya sa swimming pool suot ang magandang evening gown at makikita sa likod niya ang lumalangoy na anak na si Bimby.

"Ganito 'yun kasi. It was Nico's [managing director] birthday the day before, gusto niya ng picture. So sabi ko, 'Halika, halika, by the pool,'" kuwento ni Kris sa media nang dumalo sa isang event ng video-on-demand site na iflix.

Sa gilid lang umano ng pool nagpakuha ng litrato sina Kris at Nico, at sinabihan na umano niya ng anak na malalim ang pool para paalalahanan.

 

"Kaya si Bimb, 'Mama do you realize that the pool, that part, is six feet? You're gonna drown,'" kwento pa ni Kris. "Alam niyang hindi ako marunong mag-swim. So biglang nag-swimming na siya. Tapos sinabi ko, 'Naku, nabasa na nga, maglublob na ako."'

Dahil baka hindi na umano maulit, ginawa na ni Kris ang pagpapa-picture na nakalublob sa tubig habang nakakapit sa gilid ng pool.

 

"Maglublob na lang ako at magganda-gandahan na lang. Wala lang, kasi parang sabi ko, 'Anyway nabasa na 'yung gown, and I figured na, hindi ko naman mauulit," sabi niya.

"Tapos feeling ko naman, maganda naman 'yung pictures. Eh di go! Once in a lifetime. First time kong ma-try actually 'yung pool at du'n ko na-realize na ang lalim nga pala ng pool namin," natatawa niyang sabi.

Suot ni Kris ang naturang gown matapos dumalo sa kasal nina Alfred Vargas and Yasmin Espiritu. -- FRJ/KVD, GMA News